Isang Tula Para sa Wika’t Panitikang Filipino

Ang Unang Pagtatanghal: Karanasan sa Pagtutula

Bilang proyekto namin sa kursong Retorika o Masining na Pagpapahayag, inatasan kami ni Binibining Angela Mitzi Ramos na sumulat ng isang Spoken Word Poetry tungkol sa Wika at Panitikang Filipino na amin namang itatanghal sa programang inihanda ng aming Kagawaran — ang Department of Languages and Mass Communication (DLMC). Hindi man natuloy ang planong ito ay naisakatuparan pa rin naman naming makapagtanghal sa harap ng aming magandang guro.

Sa aking tanang-buhay, ito ang unang beses na naranasan kong ideliber ang aking piyesa sa harap ng tao. Kaunti man ang nakapanood, naroon pa rin ang kaba sa umpisa ngunit nang nakabuwelo na ko, hindi na ako nahirapan pang tapusing ipresinta ang aking akda.

Nagbunga ang aking ilang araw na pag-eensayo at hindi na rin masama sapagkat ayon kay Bb. Ramos, isa ako sa mga mag-aaral na nakakuha ng mataas na marka. Ang sarap din sa pakiramdam dahil nakapagsulat ako ng isang piyesa para sa sariling wika at panitikan ng aking bansa. Para sa akin, wala nang mas sisingdalisay pa sa pagsinta sa wika at panitikang Filipino.


Pamilya


Isa, dalawa, tatlo…
Pagdilat ng mga mata ko
Ibang wika na ginagamit mo.

Wika
Apat na letra
Isang salita
Bakit winawalang-hiya?

Oh, Panitikan!
Minsan mo na kaming ipinaglaban
Ngunit heto ka ngayon
Nasadlak sa kahirapan.

Wika, Panitikan,
Panitikan, Wika;

Bakit kayo napag-iwanan?
Nasaan ang katarungan,
Puro na lang katanungan.

Isang kabigha-bighaning araw sa lahat ng mga tagapakinig.
Hayaan ninyo akong ibahagi, yung sarili kong kuwento.
Yung alamat ng aking pagkatao.
Pati na yung mga ipinaglalaban kong prinsipyo at konsepto.
Bigyan niyo ko ng pagkakataong ilahad ang lahat-lahat sa aking pagkakakilanlan.
Gayundin, ang  mapasalamatan ang dakila kong ina at ama,
Na kailanma’y ‘di ko ipagpapalit sa anumang ginto’t pilak.

Pinalaki nila akong marangal at may respeto sa’ king kapwa.
Ngunit, nang ako’y mabahiran ng dugong dayuhan,
Kilos, gawi’t pananalita ko’y nagbago.
Kinalimutan ang lupang tinubuan,
Niyakap ang ideyang liberal
At nagpasakop sa mga makabagong manlulupig ng modernong panahon.
Ganap kong sinaktan sina inay at itay.

Dinamdam nila ng husto ang aking paglayo at paglisan.
Mga pamanang hitik sa pangaral ay aking ipinagtabuyan.
Mga turo’t pangaral nila’y tuluyang kinalimutan.

Nawala sa’king isipan, pati mga mumunting ala-ala nung ako’ y inakay pa lang ni ina;
Ang abakada na paulit-ulit niyang itinuturo sa akin;
Mga sagisag ng bansa na palagi niyang ipinagmamalaki sa’kin
Dapat lang daw na mga ito’y aking tingalain.
Sapagkat marka ito ng kasaysayan at kulturang aking kinalakhan
At nanalaytay sa aking dugo’t laman.

Tapang at katatagan,
‘yan ang turo ni Ama.
Kay gaan man o bigat
Hinding-hindi ka dapat magpasilat
Sa mundong busaklat.

Pisikal mang lakas o
‘di kaya’y sa panulat lang,
Kung para sa bayang sinisinta,
Hinding-hindi ka dapat umatras.
Ikaw ang magsisilbing pantas
Na magtatakda ng landas
Upang makaalpas
Sa daluyong na marahas.

Inay, itay
Bukas palad n’yo man po akong tanggapin,
May kahilingan lang po akong nais hingin.
Pakinggan nyo po sana’t damhin:

Ina, ama
Patawad;
Patawad sapagkat ako’y isang suwail na anak;

Anak na walang utang na loob,
Na ipinagpalit ang aruga’t pagmamahal niyo
Sa panandaliang luho ng aking dibuho.
Nagpagamit sa paninibugho
Ng isipan kong seloso.

Nung minsan nyong napagsabihan
Dahil ‘di marunong makuntento
Nag-inaso’ t bigla na lang humayo.
Tumalikod,
Nagpakalayo-layo
At dumayo
Sa kabilang ibayo.
Kung saan naghihintay
Ang mga nagbabalat-kayo.

Patawad dahil ako’y
Anak na puro hangin lang ang laman ng ulo.
“Buo ang loob, sira ang tuktok”,
Kaya’t nalalansi’t naloloko.

Ngayon mismo,
Ako’y magbibitaw ng isang pangako.
Pangakong kailama’ y di ko ipapako.

Ina, ama
Ako’y nagbalik
Upang patunayan ang aking sarili’t katapatan.

Ako ang imahe mo
Oh Inang Wika
Ako ang magsisilbing boses mo
Sa gitna ng mapanghamong mundo.

Ako ang puso mo
Oh Amang Panitikan
Ang magpapatuloy
Sa nasimulan mong pag-aaklas,

Sapagkat ako ang binhing
Inyong pinatubo mula sa kawalan,
Ang bunga ng inyong pagsasanib katawan;

Ako! Oo! Ako ang mukha. AKO ANG MUKHA
NG WIKA AT PANITIKAN na minsan na nating kinalimutan.

Mga Nasa Likod ng Progreso ng Filipino


Dr. Jose P. Rizal

Dr. Jose Rizal : Ang Dakilang Ilustrado

Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ang isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan.

— José Rizal, El Filibusterismo

Si Jose P. Rizal (i. 19 Hunyo 1861 — k. 30 Disyembre 1896) na may buong pangalang José Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga kastila sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa. Ipagpatuloy…


Manuel L. Quezon

Manuel L. Quezon : Ama ng Wikang Pambansa

Hindi ko nais na Kastila o Ingles ang maging wika ng Pamahalaan. Kailangan magkaroon ng sariling wika ang Pilipinas, isang wikang nakabatay sa isa sa mga katutubong wika.

— Quezon, Talumpati ng Kagalang-galang Manuel L. Quezon Pangulo ng Pilipinas Sa paglikha ng Pambansang Wika

Si Manuel Luis Quezon ay kilala bilang “Ama ng Wikang Filipino.” Tinagurian ding “Ama ng Republika ng Pilipinas”, siya ang naging unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Amerikano noong simula ng ika-20 siglo. Ipagpatuloy…


Rio Alma

Virgilio Almario

Kilala si Virgilio Senadrin Almario bilang magaling na guro, kritiko ng panitikan, makata, mananaliksik, tagasalin, tagapatnugot, cultural heritage leader, at higit sa lahat ay ang pagiging matapang na taga-taguyod ng pambansang wika. Ipagpatuloy…


Logo at Tanggapan ng KWF

Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Ang Komisyón sa Wikàng Filipíno ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may katungkulang magsagawa ng mga pananaliksik, paglilinang, pagpapalaganap, at pagpapaunlad ng Filipino at iba pang wika sa bansa. Nilikha ito bilang pagtupad sa tadhana ng Konstitusyong 1987 at alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino  noong 14 Agosto 1991. Ipagpatuloy…


Paalala ni Rizal

Published by Rodolfo Dacleson II

I love creating sports content, especially blogs. I cover and write different sports, not limited to basketball, volleyball, football, and esports. Since junior high school, I dream of becoming of sports writer or at least someone writing sports articles for a media company. To share with you, I've achieved that dream. I'm determined to up my sports writing but you can also expect me to publish content other than my favorite category in this blog site.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started