
Ako ay Pilipino,
Buong katapatang nanunumpa sa watawat
ng Pilipinas,
At sa bansang kanyang sinasagisag,
Na may dangal, katarungan at kalayaan,
Na pinakikilos ng sambayanang
Makadiyos, Makakalikasan, Makatao at
Makabansa.

Makadiyos
Ama,
sabay sa pagsusumamo Sa’yo
na ako’y patawarin
sa aking mga nagawang kasalana’y
isang panalangin.
Dasal para sa bayan kong ipinaglalaban.
Hinihiniling na ito’y Iyong biyayaan
ng mapagpalayang Karunungan,
‘di pasisiil na Katapangan,
pusong may Kabutihan,
mailap na Kapayapaan,
tapat na Katarungan,
at ginintuang Kalayaan.
Ama,
para sa Pilipinas kong iniibig,
mutyang pinakaiingat-ingata’t
nais pagsilbihan sa darating na hinaharap,
nawa’y panalangin ko’y Iyong dinggi’t tuparin

Makakalikasan
Nakakahalina
Oyaying inaawit ni Inang.
Dala-dala nito’y kapayapaan
Sa pamayanan ng lahing kayumanggi.
Kalakip di’y katahimikan,
Na inaalis ang anumang pag-aalinlangan
‘Pagkat siya’y nariyan upang kami’y gabayan.
Si Inang,
Siya’y aming kaagapay
Sa ‘di mabilang na paglalakbay;
Pagbaybay sa mga kalupaang
‘di pa natutuklas,
Pamamalakaya sa ilalim
ng asul na katubigan,
At paglalayag tungo sa misteryosong hangganang ‘di pa naabot ninuman.
Kami’y nakabangon
Sa unos na lumipas,
Kamataya’t pighati man ang dulot,
Sigyang dulot niya’y nagsilbing tanglaw
namin sa kadiliman.
Tila bituing aming sinundan
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan,
Paghampas ng matataas na daluyong
At pamiminsala ng hangin
Bitbit ng bagyong nanalanta.
Biniyayaan niya kami ng likas yaman.
Pamanang aming masasandala’t mapagkukunan.
Kapataga’y sagana sa ani.
Karagata’y kanlungan ng samot-saring huli.
Kalangita’y naging pahingahan ng pagal na isipan.
Kagubata’y tahanan ng iba’t ibang nilalang ng Panginoon.
Oyaying inaawit ni Inang
Kailanma’y ‘di namin makalilimutan
‘Pagkat ito’y simbolo,
Marka ng kanyang dalisay na pusong inialay
Sa aming mga inaalagaan niya
Tulad ng isang munting binhi,
Na umalimbukad sa isang marikit na bulaklak.
Hiraya manawari.
Inang, nawa’y karangalan mo’y aming mapangalagaan.
Pithaya nami’y alalahanin ang ‘yong kabutiha’t pag-ibig sa amin.
Salamat o Inang Kalikasan.

Makatao
Pangarap ko’y bansang mahabagin.
Kapwang nangangailangan,
Pinipiling unahin
Kaya’t nagsisilbing pag-asa sa iba.
Nagmimistulang liwanag
para sa mga nasa dilim;
silang ‘di pinalad maabunan ng katarunungan,
ikaw ang kanilang naging tagapagligtas.
Dalangin ko
nawa’y mapakinggan ng nasa itaas,
ang lumikha ng langit at lupa
at Siyang pinakamakapangyarihan sa lahat,
na higit sa salapi
o anumang kamunduhan,
pagmamalasakit,
Pakikipagkapwa’t
pagrespeto ang pumalahaw sa aking lupang sinilangan.
Makabansa
Aking lupang tinubuan,
Hindi kayang talikuran
Sapagkat naging tahanan,
Kanlungan ng katauhan.
Patuloy maninindigan,
Kaharap ma’y kamatayan.
Malayang kinabukasan,
Kailanma’y ‘di susukuan.


“Pilosopiya ko ang pagsulat.”
Kumusta! Isang magandang araw sa’yo! Ako si Rodolfo, na nangangarap maging dyornalis sa malapit na hinaharap. Sa pamamagitan ng aking blogs, nais kong ibahagi sa’yo kung paano ko unawain ang mundo. Bukod pa rito, hindi lang ako nagsusulat upang mabusog ang aking mga mambabasa kundi para na rin magbigay inspirasyon sa kanila. Umaasa ako na susundan at susuportahan mo ang aking magiging paglalakbay dito sa WordPress.






suporta sa iyo ginoo
LikeLike
Maraming salamat po sa pagtangkilik! Magandang araw!
LikeLiked by 1 person
worth reading po, thank youuuu and pleaseee keep on writing!
LikeLiked by 1 person
Maraming salamat po!
LikeLiked by 1 person