Sa saliw ng hanging Amihan,
ikaʼy aking isasayaw
nang dahan-dahan.
Bitbit ang malaking ngitiʼt
kagalakan sa dibdib,
aawitan kita ng
klasikong kundiman.
Pasensya naʼt
`di ako musikero
kaya lirikoʼy sintunado,
wala ring gaanong himig at ritmo,
ngunit, pangako ito namaʼy
mula saʼking puso
at handog lamang saʼyo
lalo naʼt ngayon na lang tayo
muli nagkatagpo.
Susulitin ang bawat sandali
na ikaʼy kapiling kahit saglit.
Hiraya manawari.
Nawaʼy `di na `to magwakas
`pagkat sinta…
sa panaginip na lang kita nakikita.
Sumakabilang buhay ka na nga pala.
