
Aking Inang Pilipinas,
Ikaw ngayoʼy may dinadanas.
`Wag umatras bagkus bumalikwas,
Halina’t sasamahan kitang makaalpas.
Ngayoʼy naikulong ka ng pandemya,
Maghintay at ikaw din ay makakalaya.
Ako’y narito upang iyong sandalan,
Alam kong itoʼy iyong makakayanan.
Puso moʼy nilalapirot nang paghihirap,
Itoʼy kumikirot sa bawat pagkurap;
Sakit na toʼy sinira iyong mga anak,
Ngayoʼy lalo silang nagkawatak-watak.
Tamaʼt maliʼy `di mo na matimbang,
Emosyoʼt batas naghalo sa tinalupan.
Tila palaging may giyerang nakaabang.
Ikaʼy tuliro bunga ng litong-litong isipan.
Lumuluha ka, `yon ang tiyak.
Sakit na to’y ikaʼy sinusubukan,
Pananalig moʼy niyuyurakan
Upang ikaʼy tuluyang panghinaan.
Sinisinta kong bansa,
Ako `to ang nag-iisang si Pag-asa.
Sayong tabi, akoʼy palaging nakaantabay.
Narito upang maging iyong kaagapay.
Huwag nang malumbay,
Ngiti mong kay tamlay,
Babalik sa dating kulay,
Magtiis lamang at maghintay.
Sasamahan kita sa paglalakbay.
Babangon tayo Inang Pilipinas.
Matapos ang kay tagal na paghimlay,
Tayo muliʼy magsasayaʼt makalalabas.

Ang “Tinig ni Pag-asa” ay tula mula sa aking aklat na Rated C19 (Kabanata I : Unang Bigwas ng Sigwang COVID-19) sa Wattpad.
Ipagpatuloy ang pagbabasa sa aking nailathalang libro sa pagklik ng link sa ibaba.