
Sa harap ng durungawan,
Nagmamasid sa pagbuhos ng ulan.
Mapaglarong isipan ngayo’y naglalakbay.
Paano kaya sila nabuhay?
Saan sila nagmula?
May ama’t ina kaya sila?
Buhay at pangarap, sila kaya’y mayroon nito?
Nakapagtataka.
Puno ng misteryo.
Ako ngayo’y lumilipad sa kalangitan.
Sinusuyod ang mga alapaap.
Binabaybay ang kalupaan.
Hinahanap ang kasagutan.
Walang katapusang paggagalugad.
Hanggang sa may mapagtanto;
Bawat patak may kwentong kalakip.
Imahinasyong nahihimbing, susubukan itong alamin.
Pipiliting tuklasin emosyo’t damdaming inililihim.
Mensahe kaya nila kanais-nais
O puno ng hinagpis?
Ano man nais nilang iparating,
Ula’y panonoorin pa rin.
Pipiliing kumawala sa reyalidad pansamantala,
Bunsod ng hiwagang dala nang pananangis ng langit.