
Kay rikit ng mundong hinubog ng Poong Maykapal.
Luntian ang mga puno at halaman na sumisibol at bumabalot sa mga kapatagan. Nakabibighani ang mga kaakit-akit na talulot ng mga bulaklak sapagkat binibigyang kulay nila ang kapaligiran. Nakamamangha ang mga ibong sumasabay sa ihip ng hangin, mga hayop na tumatakbo sa malalagong damuhan at mga isdang sumasayaw sa agos ng katubigan. Tila simbolismo ng pag-asa ang paglabas ng paru-paro sa kanyang bahay-uod. Ang pagsikat ng araw sa Silangan na senyales nang pagsisimula ng bagong umaga at paglubog nito sa Kanluran na tagapagdala naman ng gabi, ay isang bukod-tanging tagpo sa kalikasan na marapat niyo lamang masaksihan.
Kaya lang…
Bakit ko nga ba sinasabi ang mga bagay na ito sa inyo kung kahit ako sa sarili ko ay hindi naman talaga nakita ang lahat ng ito. Sadyang malupit kasi ang tadhana. Mula pagkabata hanggang sa paglaki, sa panaginip lang talaga ako umaasa. Isa ako sa mga hindi pinalad na mabibiyayaan ng mga durungawang magbibigay sana sa akin ng paningin.