Mangarap Ka Lang

Tumingala sa Langit, Mangarap (Larawan mula Pinterest)

Lahat tayo may kanya-kanyang pangarap subalit ang landas na kailangan tahakin upang ito ay makamtam ay hindi ganoon kadaling suungin at malampasan.

Ilang taon din ang gugulin mo upang ito ay maabot.  Maraming beses mo itong iiyakan at may mga tao ring kukutyain ang mga pangarap mo. May mga pagkakataong nandyan na ang oportunidad at handang-handa ka ngunit sadyang malupit ang tadhana sapagkat hindi pa rin nito ibinigay sa iyo ang pinaghirapan mo.

Darating ang oras na masasabi mo na lang sa sarili mong tumigil na dahil nakakapagod at para bang wala na rin naman itong patutungahan pa.

Kay sarap mangarap pero hindi roon natatapos ang lahat. Tiyak magdadalawang-isip ka muna o hindi kaya sa simula pa lang ay umayaw ka na dahil baka nga sa dulo masayang lang lahat ng pinagpaguran mo, pinaglaanan mo ng oras, pinagbuhusan mo ng sipag, tiyaga at dedikasyon at minahal mo nang sobra.

Bakit kahit sabihan na silang tanga, inilalaban pa rin nila?

— Happy Dreamer, Mangarap Ka Lang

Sino ba namang tao ang gustong masaktan sa dulo? Gayunpaman, bakit mayroon pa ring mga nagpapatuloy? Bakit may mga ayaw umayaw? Bakit kahit sabihan na silang tanga, inilalaban pa rin nila?

Marami na silang pagkatalong natikman pero nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang mga naumpisahan. Sinusuong ang mabagsik na agos ng buhay kahit kapalit man ay mistulang kamatayan bunga ng sila ay babalik sa simula at uulit na namang muli.

Marahil, ito ang gustong ipakita sa atin ng pangangarap. Walang masama sa pangangarap dahil nangarap ka lang naman. Libre lang mangarap at kaakibat na nito yung pagod at sakripisyo. Nariyan din na luluha ka dahil natalo ka at darating sa punto na magmumukha ka ng tanga.

Maaaring ipinagkait sa iyo ng pagkakataong magtagumpay kahit ito ay abot-kamay mo na pero hindi ito nangangahulugang katapusan na ng mundo para sa mithiin mo.

ung hindi ka susuko at aatras para sa iyong mga pangarap, makakamit mo ang tagumpay.

— Happy Dreamer, Mangarap Ka Lang

Nabalian ka man ng pakpak at hindi na makalipad o hindi na yumabong tulad ng isang binhi, kung hindi ka susuko at aatras para sa iyong mga pangarap, makakamit mo ang tagumpay. Bukod-tangi itong ipinagkakaloob sa sinumang hindi nagpadala sa kanyang paglagapak bagkus ito ay kanya pang tiningala; ginamit bilang gabay sa malayu-layo pang paglalakbay upang marating ang paroroonan.

Sa pangangarap wala namang mawawala sa iyo dahil nangarap ka nga lang naman pero nasa sa iyo na iyon kung paano mong tutuparin ang minimithi ng iyong damdamin. Magpaulit-ulit ka man at bumalik sa umpisa sa hindi mabilang na pagkakataon, patuloy kang mangarap. Mapagod ka man, umiyak sapagkat ikaw ay nabigo at magmukhang tanga sa paningin ng iba, mangarap ka pa rin.

Kaya ano pang hinihintay mo, mangarap ka na!

Published by Rodolfo Dacleson II

I love creating sports content, especially blogs. I cover and write different sports, not limited to basketball, volleyball, football, and esports. Since junior high school, I dream of becoming of sports writer or at least someone writing sports articles for a media company. To share with you, I've achieved that dream. I'm determined to up my sports writing but you can also expect me to publish content other than my favorite category in this blog site.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started