
(Larawan mula The Pauses Between)
Ako ay ako, sila ay sila.
Hindi man ako si Gat Jose Rizal
O si Supremo Andres Bonifacio,
Diwa naman nilaʼy nabubuhay sa akin.
Ako ay ako, sila ay sila.
Hindi ko man kayang isulat ang Noli at El Fili
O lumaban hawak ang matalim na itak;
Sa sarili kong paraan, akoʼy makikibaka.
Ako ay ako, sila ay sila.
`Di ko pangangaraping maging tulad nila
Dahil may sarili akong kakayahan
Na dapat pagkatiwalaaʼt sandalan.
Ako ay ako, sila ay sila.
Ibang landas man ang aking tahakin,
Gaya nilang lumikha ng kasaysayan,
Ikakatha ko rin ang sarili kong kwento.
Ako ay ako, sila ay sila.
Sa sarili kong pamamaraan,
Magagawa ko ring mag-iwan ng marka
At magdala ng minimithing pagbabago.
Ako ay ako, sila ay sila.
Pag-ibig sa bayaʼy paiiralin.
Respetoʼt pakikipagkapwa taoʼy isasapuso
Dahil itoʼy tama at nararapat.
Ako ay ako, sila ay sila.
Malugod na tatanggapin kamatayan sa labanan
Sapagkat nanindigan para sa katarungan;
Katotohanaʼy pinamarisan kaya kasinungalingan.
Ako ay ako, sila ay sila.
Walang hihinging kapalit kay Inang Bayan.
Siyaʼy pagsisilbihan nang walang kabayaran
Sapagkat siyaʼy aking lupang tinubuan.
Ako ay ako, sila ay sila.
Hindi man ako si Rizal o Bonifacio
Pangarap naman nila para sa Pilipinas
Aking aalalahin nang kinabukasaʼy maiguhit.