
Sabay sa saliw
ng ulang pumapatak
ay ang ritmo’t himig ng pusong
sayo’y nangungulila ‘pagkat
matagal na rin nang huli
kitang nasulyapa’t
nakausap ng
harapan.
Sa tuwing ika’y naaalala,
kay daming tanong
na nabubuo sa
nag-aalalang isipan.
Kailan ko kaya
muling mapagmamasdan
ang makahulugang tingin
ng mga nangungusap
mong mata?
Kailan kaya muling
uukit sa’king paningin
ang kay simple’t rikit mong ngiti
na siyang nagpapayapa sa
kay gulo kong mundo?
At kailan kaya muli
tayong pagtatagpuin ng tadhana
upang makadaupang-palad
ang isa’t isa?
Sabay sa pagtila ng ulang ito
ay ang panalangin ko, na
nawa’y muling magtama ating landas
at ika’y makitang muli nang nakangiti.