
Susulat akong muli ng akdang sa’yo’y iaalay kaya’t kinuha ko ang aking namamahingang panulat at sinimulang mag-isip ng mga tungkol sa’yo na pagkukunan ko ng ideya upang makapagsimula.
Dumaan na ang maraming oras at heto wala pa rin akong naiisip na puwedeng isulat sa blangkong papel. Wala talaga akong maisip. Naubos na yata lahat ng hugot ko para sa’yo binibini. Hindi ko magawang padampiin ang dulo ng aking panulat sa papel na kung sakali sana’y makasasaksi sa kung gaano kita hinahangaan.
Hanggang sa naisipan ko nang umayaw, nang biglang may konseptong pumasok sa aking isipan.
“Hinding-hindi kita aayawan sinta”, sabi ko sa aking sarili. Sa tuwing ika’y naiisip kahit kay dami mang dahilan upang tumigil na, mas lumalakas ang loob at mas nagkakaroon pa ng inspirasyon upang magpatuloy. Heto na akong muli, na susulat ng panibagong akda na para lamang sa’yo.