
Sa tuwing umuulan, ika’y palaging naaalala.
Nawa’y masungit man ang panahon,
Ngiti mo’y nagniningning pa rin.
Nawa’y wala kang pag-aalinlangan,
Bagkus ay punong-puno ng kagalakan
Sa bawat sandaling pumapatak ang ulan.
Sabay sa musikang nililikha ng ulang dumadampi sa bubong ng ating mga tahanan,
Nawa’y ginagawa mo ang mga bagay na ‘yong napupusuan.
Sana huwag mong iwan ang ‘yong mga nakasanayan
Sapagkat mga ito’y nagbibigay sa’yo ng kasiyahan.
Titila rin ang ulan.
Kasabay nito’y pagbungad ng bahaghari –
Isang arkong makulay na ibiniyaya sa atin ng Panginoon.
Hangad kong ito’y iyong masulyapan.
Sana rin ito’y iyong magustuhan.
Nawa’y mawili’t humanga ka rin dito gaya ko.
Sa tuwing umuulan,
Naalala kong hindi na pala kita kailangang alalahanin pa
Dahil alam kong kaya mo, wala man ako.