
Alam kong ika’y nabibilang sa kabilang mundo na ibang-iba sa daigdig na aking kinalakihan. Doo’y puno ng pag-aalinlangan, gulo’t pagkabahala ngunit sa’yo nama’y umaapaw sa katahimika’t kapayapaan at pagmamahalan.
Hindi ko alam kung paano sisimulan itong mensaheng sa’yo’y nais ipabatid sapagkat alam kong kay layo ko sa’yo; alam kong hindi magiging madali ang tatahiking landas upang ako sayo’y mapalapit; at alam kong ‘di malayong ako’y iyong hindi tanggapin dahil ako’y tagakabilang mundo.
Pagkabagabag ang sa aking isip ngayo’y bumabagabag. Ito’y nakakabagabag dahil hindi ko alam kung anong mararamdaman kung sakaling ako’y iyong itataboy; kung sakali mang ako’y iyong hindi tatanggapin; at kung sakali mang ako’y ‘di mo pakikinggan.
Ngunit, gayunpaman, ako’y naniniwala na kahit sa magkaibang mundo man tayo nanahan at nabubuhay, maaari pa rin tayong magkalapit at sayo’y buong puso kong masambit damdami’t mga salitang kay tagal nang kinikimkim nitong puso’t isip sapagkat alam kong itinakda ako ng tadhana sa tulad mong nais ni Bathala na sa’ki’y ipareha upang mapunan ang mga kakulangang aking dinadamdam.