
Mata ko’y iminulat.
Agad-agarang kinuha
ang panulat
upang magsulat.
Ayaw kong palampasin
ang katahimikang
namamayani sa
paligid upang
mag-akda
ng isang katha.
Ngunit,
walang maisip na paksa.
‘Di alam kung papaanong
sisimulang padampiin
ang panulat
sa papel
na magsisilbing
baul na siyang magkukubli
ng yaman mong ‘di
maihahalintulad
sa iba.
Sa’n kaya huhugot ng ideya
upang makapagsilang
ng isang akda?
Tinawag ako nang
pagmumuni-muni
Kaya’t minabuti kong
lumabas ng aking silid.
Mga paa’y iniapak
sa lupang
kagabi’y nadiligan
nang nagdaang ulan.
Mga mata’y ipinikit
kasabay nang pagtilaok
ng tandang,
huling awit ng mga kuliglig,
at kantang handog ng
mga ibong napadaan.
Tumingala ako’t idinilat
ang mga mata.
Balintataw ko’y
nagliwanag sa kay gandang
obrang nasaksihan.
Pinukaw aking paningin
ng payapang langit.
Tila wala itong bakas
ng langitngit
matapos ang pagluha
nito nang nakaraang
gabi.
Ngayon,
alam ko na.
Alam ko na kung
sa’n ako huhugot at papaano
uumpisahan ang piyesang
isusulat. Buti na lang
at ako’y tumingala
kaya’t nasaksihan
ko “ang kaulapan”.