Akala Nila

(Larawan mula memeguy)

Akala nila
sa paglabas ng
katotohana’y
makalalaya
sila.
Ngunit, hindi.
Sapagkat ito’y
kasuklam-suklam
at puno ng hapdi’t
sakit.
Tila punyal
na pupunit sa laman,
puputol sa ugat,
at magpapasirit
sa dugong ikinukubli
ng ating katawan.

Akala nila
sa paglabas ng
katotohanan sa yungib
na minsan na nitong
naging kanlungan,
ay masasagot na
ang kanilang mga katanungan.
Ngunit, hindi.
Dahil sa taglay
nitong liwanag,
tiyak mata nila’y masisilaw. Sila’y
tatakbo at ito’y muling
iiwasan
dahil ‘di kaya
ng mata nila
na ito’y titigan
nang masinsinan.

Akala nila
sa paglabas ng katotohana’y
matatapos na
ang mga katanungan
na pansamantala
nilang nahanapan
ng kasagutan.
Ngunit, hindi.
Dahil tiyak na
kay daming tanong
na naman ang lilitaw
at susubukang
hanapan
ng karampatang sagot. Pero ano?
Uulitin na namang
hanapin
ang nahanap nang katotohanan.
Sa totoo lang, kay hirap pa naman
nitong patotohana’t
patunayan.

Akala nila
sa paglabas ng katotohana’y
‘di na kailangang mamili.
Ngunit, hindi.
Dahil oras
na magising ang
nahihimbing
na reyalidad,
baka ika’ y mapasubo.
Higit ka nitong papipiliin –
mabuti ba o nararapat?
O parehas dapat?
Mabuti marahil
ngunit hindi dahil
dapat masunod
ang tama.

Akala natin
sa paglabas ng katotohana’y
makakalaya tayo.
Hangal!
Hindi.
‘Pagkat tayo’y
ikinukulong pa nito
sa reyalidad
na minsan na nating
inisnab;

Sisilawin tayo nito
upang muli
na namang uliting
takbuha’t takasan
ang tamang
minsan
na nating tinakbuha’t
tinakasan.
Ganap ngang liwanag siyang
nakasusunog ng balintataw
ng sinumang nais siyang
pakawalan sa hawla;

Manganganak
pa’ to
ng mga katanungang
magpapabalik sa’tin
sa simula.
Pupuwersahin tayong
magpaikot-ikot
sa isang siklong tila
pang-habambuhay na;

At ‘di matatapos
ang pamimili
dahil sa pag-apak
nito palabas
ay mas dadami pa
ang pamimilian na tiyak
na sisira
sa ating
katinuan.

Sinong nagsabing
mapapalaya,
maililigtas,
masasagot
at matutulungan
tayong makapili ng katotohanan?
Akala n’yo lang iyan.

Published by Rodolfo Dacleson II

I love creating sports content, especially blogs. I cover and write different sports, not limited to basketball, volleyball, football, and esports. Since junior high school, I dream of becoming of sports writer or at least someone writing sports articles for a media company. To share with you, I've achieved that dream. I'm determined to up my sports writing but you can also expect me to publish content other than my favorite category in this blog site.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started