
Kay bilis talagang magbago ng ihip ng hangin. Kung dati’y hindi ko alam kung papaano sisimulan ang isang akda para sa’yo sinta, ngayon nama’y hindi ko na alam kung papaano isasara o tatapusin itong katha na sa’yo’y iniaalay.
Paano nga ba? Kailangan na bang tapusin kaagad? Anong mga salita ang dapat na gamitin? Ano kayang mensahe ang dapat kong iwan sa huling dalawa o tatlong pangungusap nitong akdang sa’yo’y iaalay? Hindi ko malaman kung ano ang dapat kong gawin.
Kay hirap talaga. Kaya’t naisipan ko na lang na tapusin na agad ang naisulat at sumulat na lang muli ng isang hiwalay na akda na sa’yo ri’y ibibigay sapagkat hindi sapat ang isang katha para lahat ng nais na sabihin sa’yo’y masambi’t maikwento lalong-lalo na kung gaano kita gustong pag-alayan ng mga akdang ikaw mismo ang paksa.