
Tinatangi ko,
O aking sintang pakaiingatan
sa habambuhay,
Ako’y iyong dinggin;
Sabay tayong sasayaw
Sa ilalim ng buwan.
Hahayaan nating tayo’y pagmasdan
ng mga bituin sa kalawakan.
Hahawakan ang kamay ng isa’t isa
habang nagpapadala sa saliw
ng katahimikang bumabalot
sa kapaligiran.
Iindayog sa himig
ng mga kuliglig.
Iindak sa ritmong hatid
ng hanging Amihan.
Tinatangi ko,
O aking sintang pakaiingatan
sa habambuhay,
Ako’y iyong dinggin;
Halina’t tapusin nating dalawa itong
musikang inihahandog sa atin.
Siya nga pala aking irog,
“Ikaw lamang ang nais kong kapareha
sa entablado hanggang sa huli.”