
Alam ko binibining aking pinapangarap;
Marahil, hindi pa ito ang tamang pagkakataon
Para sa ating dalawang may magkahiwalay pang mga mithiin sa buhay.
Maaaring hindi ngayon
Ngunit, sa akmang panahon
Kung kailan kaya nang ilaban
Ang pag-iibigang sinubok ng kapalaran.
Sa pagaspas ng pakpak
Ng mga ibon sa himpapawid;
Sa pagkaway at kampay
Ng mga kawayan sa kapatagan;
Sa pag-ulyaw ng angil ng tigre’t leon
Sa masukal na kagubatan; at
Pagsayaw ng mga isda
Sa malawak na karagatan,
Patuloy na maniniwala’t mananalig kay Bathala,
Iaasa sa Kanya ang tadhana nating dalawa.
Alam ko binibining aking pinapangarap;
Marahil, darating din ang pagkakataon
Na tayong dalawa’y sabag nang mangangarap.
Kapintasa’t kagandahan ng isa’t isa’y iibigin
Hanggang sa dulo ng mundong ipinaglihi sa dilim at liwanag.