
May sigwa sa lupang tinubuan.
Dala-dala nito’y kamatayan.
Ito’y mabilis tulad ng kidlat.
Sa ‘sang iglap, binago ang lahat.
Tulad ng kahirapang laganap,
Wala pang lunas na nahahanap.
Sabay sa saliw ng kagutuman,
Paghihimutok ni Inang Bayan.
Boses ng madla, nawa raw dinggin.
Nasa taas, dapat nang gisingin.
Dapat na nilang patotohanan,
Mga pangako noong Halalan.
Mga anak-dalitang hikahos,
Umiigting ang pamamaluktot.
Pagtitiis kaya’y mairaos,
Kung sistema’y ganap nang baluktot?
Sa pagluha ng nangamatayan,
Halakhakan ng mga “buwaya”.
Kinakamal ang kaban ng bayan,
Demokrasya’y wina-walang hiya.
Kaya’t dalangin ng taumbayan,
“Nawa’y umulan ng kahabagan”.
Sana’y may awa pang natitira
Nang may maipanlaman sikmura.
Kung lumipas man ang takipsilim,
Liwanag kaya’y masisilayan
‘Pagkat noon pa man, puro dilim
Ang naghahari sa aking bayan.