Ang Hiling ng Munting Alabok

(Larawan mula Pinterest)

Gaya ng guryon,
Eroplanong papel
At ibong lumilipad,
Sa hangiʼy magpapatangay.
Hahayaang akoʼy dalhin
Saan mang lupalop.

Nais ko muna kasing maglakbay.
Ang kahilingan ko —
Makapasyal saglit sa dating bahay
Na naging tahanan habang nabubuhay.
Mga alaalang dala
Ng mga larawan sa dingding,
Sasariwain sa bawat minutong lilipas
Habang akoʼy namamalagi rito
Dahil itoʼy aking hahanap-hanapin.
Kayaʼt akin nang susulitin
Pagkakataong ipinagkaloob sa akin.

Hiraya manawari.
Nawaʼy masulyapan ko pa sila —
Pamilyang naging kaagapay
Sa hirap at ginhawa.
Makitang nakangiti.
Kahit papaanoʼy nakabangon na.
Na sa pagdilat ng mata,
Lumbay maʼy kapiling,
Pag-asaʼy nasa puso pa rin
At may kagalakang magpatuloy;
Wala man ako sa kanilang tabi.

Sanaʼy mapakinggan
Itong isa ko pang kahilingan
Bago tuluyang lumisan
At muling sumabay sa saliw ng hangin
Patungong asul at payapang kalangitan
Sapagkat nais kong magpaalam
Kahitʼy walang kakayahang magsalita
O makadaupang palad sila.

Kung sakali mang akoʼy kanilang itataboy
Dahil isang duming nakapupuwing,
Malugod ko pa ring tatanggapin
Sapagkat itoʼy salimisim
Na aking babaunin
Pabalik sa kaharian
Sa ibabaw ng mga alapaap.

Ako maʼy isang munting alabok
Puso ko namaʼy nagagalak
Sapagkat akoʼy napagbigyan
Na makapagpaalam sa huling pagkakataon
Bago umuwi sa paraiso ng sa akiʼy may likha.

Paalam.

Published by Rodolfo Dacleson II

I love creating sports content, especially blogs. I cover and write different sports, not limited to basketball, volleyball, football, and esports. Since junior high school, I dream of becoming of sports writer or at least someone writing sports articles for a media company. To share with you, I've achieved that dream. I'm determined to up my sports writing but you can also expect me to publish content other than my favorite category in this blog site.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started