
Matapos ang matagal na paghihintay o marahil ay pagkakakulong sa hawlang nagsisilbing kaligtasan sa unos na nanalasa, muling naiapak ang mga paang nais maglakbay sa makitid o malawak na kalsada’t mga lansangan.
Masangsang na estero, nagkalat na mga balat ng sitsirya, kendi o ano pa mang uri ng basura na nakahandusay sa mga eskinita’t daan, nakakasulasok na usok ng mga sasakyang humaharurot at nakakapasong init ng tirik na araw sa katanghalian… Iyan ang bumungad sa mga pandamang nahimlay ng matagal sa kanlungan ng pamamaluktot at pagtitiis.
Maikli man ngunit tila walang hanggang pakiramdam sapagkat kahit papaano’y naaninag ang liwanag ng pag-asa’t kaluwalhatian. Isang lakad lang pala ang katapat ng pagkaligaw sa landas na kasalukuyang binabaybay.
Muling tumibok ang dibdib… Dugo’y nabuhay… Kalamna’y nabatak… Mga balintataw ay nanlaki sa mga nasulyapan… Ilong ay naging mapanghusga… Pagiging tao’y natamasang muli.
Malaya, kalayaan. Kalayaan, malaya.