
Matarik ang landas patungo sa tuktok ng bundok na sinusubukang marating.
Maraming balakid at peligro ang makakasagupa sa bawat hakbang ng mga paa.
Nakakatakot sapagkat baka ika’y matapilok o matisod sa makipot na dalisdis at mahulog sa bangin. Dulot nito’y pag-aalinlangan sa kung dapat pa bang magpatuloy upang maabot ang rurok ng tagumpay.
Nais mo nang sumuko ngunit may isang kamay na sayo’y nagpaalalang hindi ka nag-iisa sa pag-akyat. Mayroon kang kaagapay at dapat mo lang siyang bigyang pugay dahil hindi ka niya iniwan at sinukuan.
Sa saliw ng kawalang pag-asa, nagkaroon ng kulay ang naninimdim na paligid. Narinig mong muli ang musikang handog ni Inang Kalikasan.
Sabay sa pagtayo mula sa pagkadapa ay ang pagkabuo ng tiwala sa sarili’t kapwa.
Maaaring hindi mo napagtagumpayan ang laban nang mag-isa ngunit sa tulong at gabay ng iba, hindi malayong mabago mo o niyo ang magiging resulta ng susunod na pagkakataong ipagkakaloob.
Tandaan, “hindi ka nag-iisa”.