Kulay Ko, Ibigin Mo Kaya?

Hilo (Larawan mula Etsy)

Ikaw? Tatanggapin mo ba ako kung sasabihin ko sa’yong galit ako sa pamahalaan? Hindi naniniwalang totoo ang Diyos at ayaw sa relihiyon? Dukha at isang kahig, isang tuka at maralita? Hindi na virgin? Isang callboy o ‘di kaya’y babaeng bayaran upang paligayahin ang kanilang mga parokyano? Iibigin mo kaya ako kung isa akong Itang maitim o Tisoy na maputi?

— Happy Dreamer

Kay gandang pagmasdan ng bahaghari matapos ang malakas na buhos ng ulan. Pitong kulay na nagpapatingkad dito ay kamangha-mangha at sadyang nakapagpapaaliwalas sa kadilimang minsan nang bumalot sa  kalangitan. Isang biyaya mula sa itaas, ika nga nila. Tila ito’y hinabi ng isang mahusay na mananahing hangad ay mapangiti ang kaniyang mga kustomer.

Hays! Nakakainggit ang kalikasan. Natural kasi niyang isinasaayos ang lahat. Walang kulang, walang labis. Banayad at walang halong anumang arte. Masagana at patuloy sa paglago hindi tulad ng sangkatauhan na habang tumatagal ay nagkakawatak-watak dahil iba’t ibang kulay ang kanilang nais.

Kulay na pumukaw sa paningin. Nagbigay linaw sa kaisipan at kumalinga sa puso. Gayunpaman, wala na yata silang ibang maaninag o makita kundi iyon lamang. Wala na silang pinagkaiba sa bulag na nanalanging makakitang muli. Marahil, dahil iyon ang kanilang nakasanayan at ang itinuro at ikinintal ng lipunang ginagalawan sa isipang mangmang sa iba pang diin at babaw ng samot-saring kulay na dala ng buhay.

Nakakalungkot. Nakakadismaya. Nakaka-walang gana. Bakit kaya umabot sa ganito? Bakit kailangang mamili ng tao ng isang kulay lamang? Maraming kulay ang nanahan sa daigdig ngunit bakit hindi natin matanggap na hindi lamang ang ating sarili o lipi ang nabubuhay dito o ni may karapatang mabuhay.

Bawat kulay ay may dahilan kung bakit isinilang at umusbong sa sansinukob nang masulyapan ng mga durungawan ng ating kaluluwa. Bawat isa ay may kasaysayan at pinagmulan.

Sana ganoon din ang maisip ng iba. Sana maunawaan nila na ang kulay na taglay ay isa lamang sa napakarami pang kulay na marapat pagnilayan, intindihin at irespeto.

Ikaw? Tatanggapin mo ba ako kung sasabihin ko sa’yong galit ako sa pamahalaan? Hindi naniniwalang totoo ang Diyos at ayaw sa relihiyon? Dukha at isang kahig, isang tuka at maralita? Hindi na virgin? Isang callboy o ‘di kaya’y babaeng bayaran upang paligayahin ang kanilang mga parokyano? Iibigin mo kaya ako kung isa akong Itang maitim o Tisoy na maputi?

Mahalagang tanong, “sagutin mo kaya ang aking mga katanungan nang walang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip?”

Hinihintay ko ang iyong kasagutan.

Published by Rodolfo Dacleson II

I love creating sports content, especially blogs. I cover and write different sports, not limited to basketball, volleyball, football, and esports. Since junior high school, I dream of becoming of sports writer or at least someone writing sports articles for a media company. To share with you, I've achieved that dream. I'm determined to up my sports writing but you can also expect me to publish content other than my favorite category in this blog site.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started