
Sa saliw ng hinagpis, ungol ng pagtitiis,
Pumalahaw sa hangin, sigyang dinadalangin.
Binigyang kulay ang nananamlay na paligid,
Hatid nito’y musikang makapukaw damdamin.
Gaya ng isang hirasol na umaga’y hinihintay,
Sining ko’y naalpasan ang kadilimang dumaan.
Lungkot na dinanas, pag-akap ng lumbay,
Tila araw na dala-dala’y liwanag mula silangan.
Pagtatagpi-tagpiin ang bawat salita’t parirala.
Hahabi ng akdang makapagbibigay kaliwanagan
Nang katotohana’y maibahagi’t mailathala
Para sa masang api’t biktima ng kasinungalingan.
Titindig para sa karapatang ipinaglalaban
Tungo sa kinabukasang dating kay labo.
Sa likod ng katarungang sinasandigan,
Muling isisilang ang pag-asa mula sa abo.
Kailanma’y hindi naging sapat ang katatagan
Upang hilumin ang iniwang sugat ng mga sigwang nagdaan.
Sa bayang ang kapansana’y pangamba’t takot,
Panawaga’t pagkilos ang bukod-tanging sagot.
Hinugot, hinabi’t pinanday kong samot-saring kwento,
Makikibaka’t iparirinig ang akin at aming danas.
Padadampiin ang panulat sa papel at hindi hihinto.
Kabutihang panglahat, pitong pantig, ang siyang lunas.