
Sa ating dibdib, wari ko’y may nagkukubli. Nilalang na nagtatago sa liwanag. Nabuhay mula sa poot at hinagpis sapagkat kinimkim ng pusong sawi’t pagal; ‘di nailabas ng labing tinahi gamit ang sinulid ng pananakot o ni naiusal ng bibig na binusalan ng pangigipit at kawalang pag-asa.
Sila’y nanahan dito. Mabangis gaya ng leon na nagmamatyag mabuti sa kanitang biktima sa gitna ng masukal na kagubatan. Nanlilisik ang mata tulad ng adik na katatapos lang humithit ng droga. Kahalintulad ni Satanas o sa madaling salita ay kampon niya, nais na nilang kumawala sa hawla. Kulungang pilit na ikinakandado nang hindi makatakas ang kahindik-hindik. Walang iba — ang demonyo.