
Kailan?
Kung hindi ngayon, kailan pa?
Kailan pa aalisin ang pagkakatakip ng dalawang kamay sa dalawa ring tainga?
Kailan pa huhubarin ang piring sa mga durungawan ng kaluluwa?
Kailan pa tatanggalin ang busal sa bibig?
Hanggang kailan mo itatanong sa iyong sarili ang mga tanong na ito?
Kailan ba dapat makinig?
Kailan ba dapat mamulat?
Kailan ba dapat magsalita?
Hanggang kailan ba dapat magpanggap na pipi, magbulag-bulagan at magbingi-bingihan?
Kung kailan sinukuan na tayo ni Inang Bayan?
Kaya uulitin ko lang,
Kung hindi ngayon, kailan pa?
Tadhana
Karapatang makakapangyarihan
Edukasyong makamayaman,
Kawalang kataranungan,
Talamak na kagutuman,
At samot-sari pang danas walang pagkakapantay-pantay
Tumutubo’t yumayabong sa bayan kong sinilangan.
Nanaisin mo pa rin bang mabuhay?
Kung lipunang ‘yong kalalakihaʼy
Itinakda na ang ‘yong tadhana
Na isilang na mahirap
At mamatay ding dukha.

Karuwagan

Comprador ni Pablo Baen Santos
Likhing sining na sumasalamin sa paghihirap ng marami upang mabuhay sa araw-araw ngunit may isang nakaupo na makapangyarihan at may pera upang silaʼy kontrolin.
(Pinagkunan ng Larawan: Medium)
Hanggaʼt walang
sumusubok magsalita
O gamitin ang panulat
upang magsiwalat,
Maraming kwento,
danas at sentimyentong
ʼdi mailalahad,
Na tuluyang maibabaon sa limot
At kailanmaʼy ‘di maitatala sa kasaysayan.
Karahasan, pang-aapi, korapsyon,
At iba pang isyung panlipunang
Karapat-dapat pagtuunang
pansiʼt tuligsaiʼy
Hindi mailalathala sa pahayagan,
Hindi maipalalabas sa dyaryo,
Ni mapagtsitsismisan man lang
ʼPagkat tila apoy itong aapulahin,
Bulang puputukiʼt
Perang wawaldasin sa sigarilyoʼt alak
Ng sa mga itoʼy nakikinabang.
ʼWag nang magtaka
Kung itoʼy hindi maikwento,
Maisalaysay sa husgado
At marinig ng sambayanang Pilipino
Dahil walang umiimik,
Walang naglalakas-loob,
Walang handang makibaka,
At walang balak lumihis
sa landas na sinusundan
Sapagkat kamatayaʼt
pananahimik habambuhay
ang naghihintay.
Sakripisyo?
ʼDi `to uso rito.
Simula’t sapul kasiʼy walang
magtutulak saʼyong magpatuloy.
Layang Binebenta
Bakit walang hustisya sa Pilipinas?
‘Pagkat ‘di na nauusig ang konsensya
Ng habag at prinsipyo ng batas.
Demokrasya’y pinaluluhod sa salapi,
Kaya’t mga tunay na kalaban ng estado’y nagbubunyi.
Tayo’y may kapansanan;
Tila mga bulag, pipi, bingi at manhid
sa totoong mukha nang
nagpapanggap na lipunan,
Na paulit-ulit tayong sinusubuan
ng bulok na sistemang nanlilimahid.
Sisilip pa kaya ang katotohanan?
Marahil at hindi na.
Dahil hindi na kilala
Ng hustisya
ang kanyang sarili
At siya’y natuto
Nang magsinungaling.

Naniniwala ka bang nanaig ang katarunga’t hustisya sa bansa natin? Sapagkat ako’y nalalabuan na.
LikeLiked by 1 person
Magkatulad po tayo ng sentimyento kaya dapat natin itong ipaglaban alang-alang sa mga walang boses
LikeLiked by 1 person
Husgahan ang mga tao sapagkat sila ang madaya hindi ang mundo.
LikeLiked by 1 person
Samakatuwid, totoo dahil ginagamit nila ang kapangyarihang politikal o anuman pa upang paluhurin ang kapwa nila.
LikeLiked by 1 person